Saturday, January 17, 2009

Dumaan ka ba sa Pagkabata?

Pagkagaling dati sa eskwelahan, libre na ang mga bata para maglaro buong araw. Hindi tulad ngayon,mas stressed out pa sila sa matatanda dahil sa mga naka-schedule na academic subjects review, piano lesson, computer tutorial, ballet class, basketball training, painting session, at marami pang iba.

Simple lang ang buhay noong araw. Simple lang ang konsepto ng mga bata sa salitang "paglilibang". Solb na sila sa traditional games. Naalala mo pa ba ang tumbang preso? E yung taguang bato, agawang panyo, takip silim, luksong lubid, hilahang lubid, chinese garter, jackstones, trumpo, saranggola, softball, sipa, siyatong, piko, atsungka? Lahat ng mga larong 'to e nangangailangan ng equipments or materials. Pero no problemo, mga mura lang 'to, at karamihan e bagay na pwede mong makita sa basurahan o bodega n'yo. Meron ding mga mas matipid na alternatives, talagang wala nang gastos. Eto yung patintero, taguan pung, habulang daga, doctor kwak-kwak, open the basket, touch the color, luksong baka, luksong tinik, pitik-bulag, jack en poy(na tinawag na ngayong bato-bato-pik), sawsaw-suka, at yung mataya-taya--isang uri ng larong habulan para sa mga batang gustong tumakbo nang tumakbo hanggang hikain sila. Andyan din yung mga larong pwedeng tawaging Sugal For Kids, gaya ng goma, text (ngayon electronic na ang text di na karton) at jolens. Pero for formalitylang ang mga rubber bands, play cards, at marbles n'to. Ang totoo, hindi mo na kailangan bumili sa tindahan para maranasan ang thrill ng pustahan. Dahil pwede mong ilaban sa Kalog ang mga bagay na tulad ng balat ng sigarilyo, balat ng candy, at tansan ng mga bote ng beer, softdrinks, toyo, at patis. (Tip: Magandang pamato ang mga tansan ng patis!)

Inabutan ko rin noon yung mga larong sadista tulad ng sumpak at sumpit. Masaya 'to, mga monggo ang bala mo. Magtatago ka, tapos titirahin mo lahat ang kalaro mo nang pa-traydor. Maraming na-barangay sa amin dati dahil dito. Ang saya!!! Hindi pa 'yan kumpleto. Syempre meron din tayong mga medyo weird na laro. Isa na dito ang larong hindi ko alam ang pangalan at hindi ko alam kung paano ko ide-describe. Para 'to sa mga batang lalake. Isang pinitpit at pinatalim na tansan ang ikinakabit sa tali na isinusuot naman sa mga hinlalaki ng magkabilang kamay. Paiikutin mo ang matalim na tansan na parang chain saw, tapos itatapat sa kalaban mong may hawak ding ganito. Panalo ka pag napatid mo yung tali nung kalaban. Talo ka pag tumalsik sa mukha mo yung blade at sumirit ang maraming dugo. Kung mahilig ka sa mga brutal na kasiyahan, pwede mo ring pagtripan ang gagamba. Kailangan mo lang ng walis tingting o stick ng banana-Q at dalawang nagbubugbugang gagamba (disqualified ang gagambang-alikabok, gagambang-bahay at gagambang-talon). Kung gusto mo naman, pwede ring pagpustahan ang dalawang salagubang. Pagdikitin lang ang mga likod nila ng nginuyang bubble gum at ilapag sila sa sahig nang patagilid. Kung sino ang unang makatayo, yun ang panalo. Tiyak mag-e-enjoy angbuong pamilya.

Samantala, kung may ant farm ang mga taga-ibang bansa, meron din tayo, original at mas masaya pa. Madalas ako dating mag-ipon ng ipis sa loob ng boteng softdrinks, o kaya naman, mga millipede o garapata sa loob ng transparent na lalagyan ng filmng camera. Pag sawa na 'ko, binubuhusan ko lang ng alcohol ang mga alaga ko. Minsan iniihian ko para mas cool! Isa pang paborito kong laro e yung bangaw na may sinulid. Humuli ka lang ng malaking bangaw (yung makintab ang pwet) at dahan-dahan na pisain angtiyan nito. May lalabas na kulay puti sa pwetan nito (na hanggang ngayon e hindi ko alam kung ano). Dito mo itatali ang sinulid, at presto, meron ka nang kaibigang bangaw na pwede mong sundan kahit saan! Sa mga kababaihan naman, hindi mawawala yung aral-aralan, bahay-bahayan, luto-lutuan, at yung mga papel na manika. Eto yung mga larong makalat, dahil pagkatapos, asahan mong marami silang iiwanang mga durog na chichiria, mga ginupit na papel, at mga halamang hiniwa, tinadtad, at niluto sa "bahay"nila. At syempre pag may niluluto, may apoy. Madalas nagsasabay yung lutu-lutuan at bahay-bahayan.Naluluto yung bahay. Kaya kaaway ng mga bumbero ang larong 'to.

Marami-rami na 'yan, pero kung wala ka pa ring naaalalang sinalihang laro dati, malamang e ikaw yung loner na tipo ng bata. Kuntento ka na sa pamamakyaw ng mga maaalat na chichiria sa katabi n'yong tindahan, o sa pag-arkila ng mga Funny Komiks. Ayos na rin sa'yo yung pagpapaikot ng gulong sa kalsada, yung bang mga nakikita sa junk shops. O kaya naman e yung magnet, na ididikit mo sa kung saan-saan tapos masaya ka na. O di kaya naman ay kukuha ka ng papel at lagyan mo ng buhangin sa ibabaw saka mo ilagay ang magnet sa ilalim ng papel, pag ginalaw mo ung magnet eh sumusunod and mga buhangin.

Andyan din yung pagpapaputok ng pinalobong plastic bag, yun bang transparent na plastic na pinaglagyan ng mga sibuyas na binili sa palengke. O kaya e yung pagligo sa malakas na ulan, kasama na d'yan yung karerahan ng bangkang papel sa kanal at yung paglulublob sa baha. Yan ang pinagkakaabalahan ng mga bata.

At ang mga maririnig mo sa kalye, ganito: May dumi sa ulo, Ikakasal sa Linggo, Inalis inalis, Ikakasal sa Lunes. (Hindi ko alam kung ano ang sikreto ng kantang 'to, pero hindi 'to pumalpak kahit kelan. Pag kinantahan mo ng ganito ang bata, automatic na pilit nitong tatanggalin ang dumi sa ulo n'ya, kahit wala.) Wala sa likod, wala sa harap, Pagbilang ko ng tatlo nakatago na kayo, Isa, dalawa…(sisilip ang taya)…Game? Sisigaw naman ang isang tanga: “Game!”Siya ang kadalasang unang nakikita.

No comments:

Post a Comment